Feb 20, 2011

5★ (bakit madalas huminto ang jeep sa harap mo kahit hindi ka naman kumakaway para sumakay?)

“Alis na’ko.” Paalam ni Erpat sa Tatlong Babae sa buhay naming dalawa (si Ermat at dalawang kapatid ko). Sabay kaming nagbuhat ng mga bag nya, pero nauna akong lumabas ng pinto. Sa gate na’ko naghintay. At sabay na kaming naglakad. Nauna ako, para sabay kami.


Ganito lagi ang senaryo sa bahay tuwing lunes ng gabi, pwera na lang kung naka-leave o absent si Erpat. Sa Manila nagta-trabaho si Erpat. Tuwing linggo ang uwi, tuwing lunes ang alis.


Lakad ng humigit-kumulang limang minuto, narating din namin ang kanto kung saan magkasama kaming maghihintay ng bus, pero si Erpat lang ang sasakay. Nakasanayan ko nang ihatid si Erpat sa kanto simula highschool pa lang ako. Ngayong nasa edad na ako para magtrabaho, at dahil tambay pa ako sa ngayon. Ginagawa ko pa rin ito.


Mapili sa bus si Erpat, isang pangalan lang ang pinagkakatiwalaan nyang sakyan dahil sigurado syang ibababa sya sa gusto nyang babaan. Kumbaga sa yosi, Marlboro lang ang hinihithit nya. Kumbaga sa alak, Redhorse lang. Yung ibang bus daw kasi, sasagot agad ang driver o kundoktor ng “Oo.” Sa tanong na “Dadaan po ba ng ganito? Dadaan po ba ng ganyan?” pero kapag medyo malayo-layo na ang biyahe e sasabihin din na hindi sila dadaan dun. Buti pa daw yung bus na pinagkakatiwalaan nya, hindi mo na kailangan magtanong. Sabihin mo lang ang destinasyon mo (kahit sabihin mong Tawi-tawi ka bababa pero sa Laguna ka sumakay), presto! Ibababa ka sa lugar na sinabi mo.


Ilang bus na ang dumaan. Ilang minuto na din ang lumipas. Pero hindi talaga sasakay sa ibang bus si Erpat. Matindi ang paninindigan, yan ang nakuha ko sa kanya. Kapag sinabi kong hindi ako papasok, hindi ako papasok. Kapag naisip kong magbasketball, magbabasketball ako. Dyan ako bilib kay Erpat, hinding hindi sya maniniwala sa mga mabulaklaking dila ng driver o kundoktor ng ibang bus kung hindi lang din driver o kundoktor ng bus na sinasakyan nya. Sa parehong paraan na parang baluktot ang paninindigan ko dahil madalas exam o quiz namin kapag hindi ako pumapasok, at madalas akong magbasketball ng hindi man lang nanananghalian. Kaya pag-uwi ko e automatic na meryenlunch ang kinakain ko.


Mahigit isang oras na ang lumipas. Heto na ang bus na maghahatid kay Erpat sa kumpanyang dalawampu’t pitong taon na nyang pinagsisilbihan para lang may ipang-kain sa akin at ipang-aral sa mga kapatid ko. Kabisado na ni Erpat ang ilaw sa taas na bahagi ng bus kaya alam nyang yun na yun. Dali-dali nyang kinuha ang bag na mahigit isang oras ko na buhat-buhat at naghanda na para kumaway sa bus.


Tamang-tama sakto lang ang mga pasahero ng bus, hindi puno pero hindi naman matatawag na walang laman. Sakto lang na makakapagsakay pa ng ibang pasahero habang bumibyahe.


Mahigit singkwentang hakbang pa ang layo ng bus sa’min ng huminto ito, nagbaba ng tatlong pasahero sa katabing kanto ng katabi naming kanto. Pinasabik ng konti si Erpat. Ok lang, ang importante ay makakasakay pa din sya. Nasa unahan ng bus ang isang jeep na nagsakay naman ng dalawang pasahero sa katabing kanto ng katabi naming kanto, saktong puno naman ang jeep para sa kanyang second to the last trip. Nang makababa na ang tatlong pasahero sa bus at nang makasakay na ang dalawang pasahero ng jeep e sabay nang umabante ang dalawa, pero dahil two way lang ang daan at ang isang daan ay para sa kasalungat na destinasyon e nauna ang jeep sa bus.


Malapit na ang bus (na nasa likod ng puno nang jeep) kay Erpat na may dalawang malaking bag. Apatnapung hakbang, talumpung hakbang, dalawampung hakbang, sampung hakbang, limang hakbang. Kumaway si Erpat sa bus, huminto sa harap namin ni Erpat ang punong jeep, dumiretso ang hindi pa punong bus, kamot ng ulo si Erpat, ngiting aso si Manong Jeepney Driver habang nakatingin at nakikiramdam kay Erpat kung sasakay ba ang Erpat kong kasama kong naghihintay ng sagradong bus sa loob ng mahigit isang oras.


Sampung segundo ang lumipas pero hindi pinapansin ni Erpat ang jeep na nasa harap namin, hindi mainitin ang ulo ni Erpat pero alam ko kung gaano kasakit sa kalooban nya ang hindi makasakay sa peyburit bus nya.


Sumibat na ang jeep. Binigay ulit sa akin ni Erpat ang bag na kinuha nya sa akin ng inakala nyang makakasakay na sya. Umiling. Sabay tingin sa’kin. Nangiti ako dahil pinigilan ko na lang ang matawa.


“Bwisit!” naibulalas ni Erpat. Hindi ko alam kung sino ang pinapatamaan. Ako o yung jeepney driver.


Hintay ulit kami ng isa pang peyburit bus nya.. sa loob na naman ng mahigit isang oras.





nagustuhan mo? i-share mo na!



1 comment: