Feb 11, 2011

Itanong mo sa taga-pluto: Episode 2



ANONG TV SHOW ANG KINAAADIKAN/MADALAS MONG PANOORIN?



Isang kaibigan sa text ang nagtanong sa’kin nito. Sabihin na nating textmate. Hindi ko natandaan ang sinagot ko sa kanya. Hindi ko din tinandaan ang tanong. Pero isang textmate ulit ang nagtanong. Na nasundan pa ng isa pa. Hindi ko na din matandaan ang mga sinagot ko sa kanila. Pero alam ko na iba-iba ang mga sagot ko, malamang niloko ko sila. Hindi naman kasi ako nagtatagal sa harap ng tv e. Madalas sina Ermat ang may-ari tv, pwera na lang kung nagkakasundo kami sa pinapanuod. Yung pinapanuod na yun e makukunsidera kong madalas ko panuorin. Sa gabi lang talaga ako nakakanuod ng malaya, kaya madalas mga panggabing palabas ang nakakasanayan kong panuorin.

Hilig ko ang pagba-basketball, dahil mahilig ako mambola. Kaya NBA at PBA ang mga madalas ko panuorin. Sa dis-oras ng gabi, mga replay nalang ang naaabutan ko. Pero dahil tulog pa ako kapag umaga kung kailan live ang NBA at lumalabas naman ako kapag hapon kung kailan live ang PBA e nagiging live sila sa’kin kapag pinapanuod ko ang mga replay na laro nila. Minsan ay wala lang ako mapanuod kaya pinapanuod ko ng sapilitan ang mga laro habang nagmu-muni muni ako. Pero minsan ay kumukuha ako ng mga moves at ‘gulang’ na pwede ko gayahin o gawin kapag naglalaro ako. Andyan yung mga ‘cheap shot’ sa tagiliran ng kalaban mo kapag ini-screen ka nya, andyan yung pasimpleng tuhod, lahat lahat ng pananakit sa kalaban na pwede mong gawin ay natututunan ko. Pero dapat ay marunong ka din umarte. Dapat pag ginawa mo ang mga pananakit na iyon e dapat din na marunong kang gawing inosente ang mukha mo na kunwari e wala kang ginawa. Minsan ay tumitingin din ako ng mga play na pwede namin gayahin nga mga katropa ko na kasama at kakampi ko kapag naglalaro. Kaso talagang kanya kanya ang style ng laro namin, kaya minsan e mga moves nalang ang tinitingnan ko. Masarap manuod ng basketball. Lalo na kapag magkaribal na team ang magkalaban. Siguradong dikdikan ang laban simula jumball hanggang sa tunog ng final buzzer. Syempre kung dikdikan ang laban, intense ang laban. Gulang na katakot-takot ang mangyayari. Balyahan, tulakan, sikuhan, tuhudan. At kapag nangyari yun, magkakainitan na yan. At kapag nagkainitan na, mas masarap na panuorin – suntukan na.

Kung suntukan naman ang pag-uusapan, na gustong-gusto ko din panuorin (at gawin noong high school). Hindi mawawala ang UFC. Ito ang sport ng mga basagulero, at ang sport na gustong gustong panuorin ng mga Kano bukod sa wrestling. Gusto ko panuorin ang UFC dahil para nadin akong nanunuod ng away kalye na nilagyan ng referee. Hindi kagaya sa boksing na umaawat kapag naglingkisan na ang dalawang naglalaban na boksingero, ang referee sa UFC ay hindi aawat hangga’t hindi nagta-tap out ang isa sa dalawang nagbabasagan ng mukha o kapag nag-flat na ang katawan ng nabubugbog sa sahig ng octagon. Sa UFC kasi, kahit bugbog na bugbog ka na, hindi aawat ang referee hangga’t hindi flat o higa ang buong katawan mo sa sahig. Pwera na lang kung suko ka na talaga. Sa UFC din ako kumukha ng mga self defense na pwede ko gayahin o gawin kapag nakursunadahan ako. At magaganda at seksi din ang mga round girls nila. Ang maganda din sa UFC ay magbu-bugbugan ang dalawang mukhang leon, magbabasagan ng mukha, may tatabingi ang ilong, may magkakabukol, at may masusugatan ng malalim. Pero pagkatapos magsuntukan e magkakamayan sila na parang mga lasing na nagbati pagkatapos magsuntukan dahil pinag-awayan kung anong round kayang patulugin ni Paqcuiao si Mayweather.

Isang lion trainer naman ang nagpunta at namalagi sa african jungle sa loob ng anim na buwan kasama ang mga wild lions ang pinapanuod ko sa animal planet paminsan-minsan. Into the pride ang pangalan ng parang reality show na iyon. Nakalimutan ko ang pangalan ng lion trainer. Pero bilib ako sa tapang nyang subukan na makisalamuha sa mga leon na kahit kailan ata ay hindi pa nakakita ng tao. May mga alagang leon sa bansang pinanggalingan nya ang lion trainer. Hindi ko alam kung ano ang nakain o nainom nya at naisipan nyang pumunta sa african jungle para gawin ang isang misyon. Ang magkaroon ng relasyong tulad ng sa aso at tao ang leon at tao. Bihira ko lang matyempuhan ang palabas, pero swerte ko na nahahabol o nasusundan ko naman ang kwento ng pakikipagsapalaran nya sa piling ng mga leon. Sa pagsubaybay ko sa kwento, napagtyagaan ng trainer na mapaamo ang pinuno ng mga leon. Nasanay ang hari ng mga leon na makalapit sa kanya kahit paano ang lion trainer, at naging kampante naman ito. Pero bigo ang trainer sa reyna ng mga leon, dahil kada susubukan nyang lumapit sa leon na iyon e nagiging aggresive agad ang reyna na parang laging may regla at pupormang aatake sa trainer. Minsan ay hinahabol nya ang trainer pero dahil sanay naman ang trainer sa ganoong sitwasyon e alam nya ang gagawin kada gagawin ng leon ang pag-atake. Natapos ang anim na buwan na hindi na-satisfied ang trainer dahil bigo syang mapakalma ang reyna ng mga leon na syang daan sana para mapalapit ang trainer sa mga baby lions. Sa pagkakaalam ko ay may gusto din sanang sumubok na ipag-bonding ang buwaya at aso. Pero hindi na tinuloy dahil may bansa na kung saan close na close ang ‘buwaya’ at ‘tuta’. Yun ay sa Pilipinas.

Pulitika at mga aksidente ang madalas na laman ng balita ngayon, paminsan-minsan ay nakikibalita ako sa mga panggabing palabas tulad ng Bandila, Aksyon Journalismo at Saksi. Mga balitang nangyari sa loob ng isang araw ang madalas laman ng tatlong programa. Halos pare-pareho lang sila ng binabalita pero gustong gusto ko ang magpalipat-lipat sa kanilang tatlo para mapaghambing o makita kung sino ang magaling, bulol at palpak magbalita. Minsan nagsasawa din ako dahil halos yung balita din ng nagdaang araw ang ibinabalita sa susunod na araw. Tapos hindi pa man tapos ang isang isyu e mapapatungan na naman ng isa pa sa susunod na araw, na masusundan pa ng isa. Hanggang sa unti-unti nang makakalimutan ang naunang isyu.

Hindi ko palagi naaabutan ang balita, minsan ay sinasadya ko nalang hindi panuorin dahil sa paulit-ulit nalang na isyu. Kaya minsan ay mga documentary shows ang madalas ko pagtripan, na mas masarap panuorin kesa sa balita. Krusada, I-witness, at Reporter’s Notebook ang mga madalas ko mapanuod. Mga programa na kada isang episode nila kada araw e isang topic lang ang ididiskusyo nila. Masarap panuorin dahil madami ako nalalaman at natututunan tungkol sa mga ideno-dokyumentaryo nila. Yung iba e nagiging inspirasyon ko para sa mga susunod na isusulat. Minsan nakakasulat ako ng tula, kahit na lyrics para makagawa ng kanta. May banda kasi ako noon.

At dahil mahilig ako sa musika, lalo na sa banda. Rock MYX tuwng alas dos ng madaling araw ang pinapanuod ko. Sa Rock MYX ko tinitingnan ang mga kanta at banda na pwede ko pakinggan o kung posible ay matugtog ko sa gitara. Dahil kilala ang MYX sa music video na may lyrics sa ibaba ng tv screen, pwedeng pwede ako mag-headbang habang kumakanta kanta. Kahit wala ako sa tono. Sabayan pa ng sayaw habang walang nakakakita, sarap!

Sayaw ang madalas ipanlaban ng mga sumasali sa Showtime, na madalas ko maabutan kapag nagigising ako ng tanghali. Gustong gusto ng kapatid ko panuorin ang Showtime, kaya wala akong no choice kundi makinuod na din. Minsan hindi ko na pinapanuod ang mga sumasali. Kadalasan ay yung mga sampol na lang ng mga judge ang hinihintay ko, lalo na kapag ang mga guest judges ay mga babae na nakakapagpa-kiliti sa akin.

Noong may WOWOW pa, lagi ko yun inaabangan tuwing sabado ng hatinggabi. Kung alam mo ang pinapalabas sa WOWOW e malamang napangiti ka. Kaso wala ng WOWOW, kaya nagtya-tyaga nalang ako sa mga maaabutan ko sa tv. Paminsan-minsan din ay nakikibalita ako sa CNN na 24/7 ang mga balita. Minsan naman ay sa Discovery Channel para makakita ng mga bagong imbensyon na mapapakinabangan (o katutuwaan) ng mga tao. Minsan naman ay sa ESPN dahil may NBA din doon. At minsan ay sa Arirang kung saan may palabas tungkol sa mga Cyber Leagues sa bansang Korea.

Buti pa sa Korea, may show ang paglalaro ng mga online games. Kailan kaya magkakaroon ng show sa atin na walang ibang palabas kundi ang paglalaro ng DOTA? Saya siguro nun. Tapos ipapakita pa yung mga naglalaban na nagta-trash talk sa bawat isa. Tapos walang ise-censored na salita. Wala yung tunog na *tooooot* kapag nagmumurahan na yung mga nagta-trash talk. Saya nun! Tapos ang magiging endorser o host ng tv show na iyon e ang MTRCB Chairman. At ang pamagat, “DOTAng Inamo”.




nagustuhan mo? i-share mo na!



No comments:

Post a Comment