Feb 14, 2011

Si Paula

Nag-iisip ako ng isusulat nang may isang babae ang pumasok sa utak ko. Huli kong nakausap ang babaeng ito noong 2005 pa. Sige aminin ko na, naging kami. Pero hindi ko sya nakita kahit kailan. Cellphone ang naging tulay namin sa isa't isa. Textmates, textfriends, txtlovers. Yan kami. Sya si Paula.

Hindi ko na alam ang apelyido ni Paula. Kung hindi ako nagkakamali ay hindi nya talaga sinabi ang apelyido nya dahil alam nyang hahanapin ko sa friendster ang profile nya. Ayaw nya makita ko ang itsura nya nang hindi pa kami nagkikita, sa parehong paraan na hindi pa din nya nakikita ang itsura ko.

Nakilala or nakatext ko si Paula noong late 2005. At kung hindi ako nagkakamali, ay sa isang chatroom sa tv ko nakita ang # nya. Naghahanap sya ng textmate noon. Tinext ko sya, nagreply naman. Naging ok naman ang usapan namin. Madami din daw nagtext sa kanya kaya paminsan-minsan ay hindi nya ako natetext. Noong una ay duda pa ako kung babae ba talaga sya o hindi. Pero habang tumatagal ang panahon na magkatext kami e nakikilala namin ang isa't isa. Hanggang umabot sa punto na ako na lang daw ang natira sa mga nagtetext sa kanya.

Dalawa o tatlong buwan kaming magkatext nang sabihin nyang nagugustuhan na daw nya ako. Mukhang totoo naman daw ako at mukhang hindi ko naman sya niloloko, na dapat lang nyang paniwalaan dahil totoo naman talaga ang mga sinasabi ko sa kanya. Sa puntong iyon ay tumatawag tawag na sya, at napatunayan ko na babae talaga sya. At sa boses nya, mukhang maganda sya at mukhang mayaman (na pakiramdam ko lang). Sa pagkakataong yon ay parang nanliliit na'ko, kaya sinubukan kong hindi magparamdam sa kanya. Unang araw pa lang ng hindi ko pagpaparamdam sa kanya e tumatawag na sya, na hindi ko naman sinasagot dala ng hiya na baka maliitin nya din ako dahil hindi naman kami mayaman (pero hindi mahirap), at hindi din naman ako gwapo gaya ng inaasahan nya (pero hindi pangit). Dalawang araw ang dumaan na hindi ko pa din sinasagot ang tawag nya, sinubukan kong alisin ang sim card na gamit ko. Pero pagkaraan ng bente kwatro oras ay kinabit ko ulit. Doon ko nabasa ang isang text: "sana kung ano man ang dahilan mo para hindi ka magparamdam sa'kin, sabihin mo. kahit ano pa yan, tatanggapin ko. napamahal ka na sa'kin carlo. alam ko, at ramdam ko. totoong tao ka." Sa pagkakataong iyon ay napangiti ako, mukhang may babae nang handang tumanggap sa'kin. Isang blankong text ang ni-reply ko sa kanya. Na pagkaraan ng ilang minuto ay sinagot nya, nagtatanong sya kung pwede daw syang tumawag. Simpleng 'sige' ang sagot ko sa kanya. Tumawag sya, at nag-usap na kami.

Sinabi ko na mukha kasing masyado syang maganda para sa'kin, at mukhang mayaman sya. Samantalang ako e hindi naman kagwapuhan, at hindi mayaman. Sa imahinasyon ko kasi e para syang artistahin na madaming gwapong manliligaw, samantalang ako e mukhang tambay lang na mahilig manungkit na bayabas sa kapitbahay. Sinabi nyang kung magkikita kami, handa syang patunayan na tanggap nya ako. Mahal na daw nya ako. Nakatutuwang isipin na sa pagkakataong iyon e parang sya na ang nanliligaw sa'kin. Bagamat hindi ko nararamdaman ang kapareho ng nararamdaman nya para sa akin, e sinabi ko nang mahal ko na din sya. Alam kong wala namang mawawala sa akin dahil medyo malayo naman ang distansya namin sa isa't isa. Kaya samakatuwid, naging kami sa text.

Ok naman ang takbo ng relasyon namin sa text. Sa parte ko e wala naman akong niligawan na iba, dahil hindi naman ako kagwapuhan. Pero hindi ko naman naiwasan ang paghanga sa iba. Sa parte naman nya, sinabi nyang may mga nagpaparamdam sa mga kaeskwela nya, pero puro pambobola lang naman daw ang mga sinasabi sa kanya. Updated kami sa mga ginagawa ng bawat isa. Hindi matatapos ang araw na hindi nya kinekwento ang mga ginawa nya sa iskwelahan, at ang ginawa ko sa buong araw. Walang araw na hindi sya tatawag sa'kin kada alas diyes ng gabi. Walang araw na hindi kami maglalambingan na kadalasan ay sya pa ang nag-uumpisa, kahit sa pag-uusap lang sa cellphone namin ginagawa. At hindi kami nagkakasawaan. Masarap ang pakiramdam na may girlfriend ako, long distance nga lang at hindi ko pa nakikita.

Tatlong buwan na kami nang dumating ang second semester ng pasukan. Sinabi nya na sa darating na Christmas Vacation, magkita daw kami. Pupuntahan daw nya ako dito sa lugar namin. Kahit nakatatak na sa isip ko na maganda sya, hindi ko din maiwasang mag-isip na baka nagkamali ako. Pero sa kabilang banda ng utak ko, alam kong kahit ano pa ang itsura nya e magiging ok kami. Sa parehong paraan na hindi naman din ako sigurado kung matatanggap nya ang itsura ko. Sabi nya, kung gusto ko daw. Sunduin nya lang ako, at mag-Baguio kami. Kahit isang linggo daw kami doon, sya daw ang gagastos. Basta kasama nya ako. Dahil plano palang naman ang lahat, oo lang ako ng oo. Ilang buwan pa naman ang hihintayin namin.

Sa second semester na yon ay nag-aral ako. Dito ko nakilala ang isang kaeskwela ko. Sa madaling salita, naging kami ng kaeskwela kong iyon. Naging matamlay na ang pakikitungo ko kay Paula. May mga pagkakataon na tumatawag sya pero pinapatay ko ang cellphone ko dahil magkasama kami ng naging girlfriend ko na kaeskwela ko. Nakahalata sya. Kaya minsan ay nagtext sya: "may problema ba? sagutin mo ang tawag ko. usap tayo." Tumawag sya, at pinagtapat ko na meron na'kong iba. Hindi ko man nakikita, alam kong umiiyak sya sa kabilang linya. Madami syang sinabi na para sa akin, ay sinasabi lang ng totoong nagmamahal. Alam kong nasaktan ko sya, pero alam ko ding may posibilidad na walang mangyari sa relasyon namin. Kung kayo ang nasa lagay ko, alam nyo ang mga dahilan ko.

Pagkatapos ng pag-uusap na yon ay hindi na sya nagparamdam. Binura ko na din ang # nya sa cellphone ko. Naging masaya naman kami ng kaeskwelang girlfriend ko. Apat na buwan kaming tumagal. Ang magkaiba naming relihiyon ang naging dahilan namin para maghiwalay. Kasabay noon ay ang paghinto ko sa pag-aaral.

Sa pagkakataong iyon ay walang wala na sa isip ko si Paula. Naging ok naman ang buhay ko bilang single at naenjoy ko naman ang buhay na hindi ko inintindi o pinaryoridad ang pagkakaroon ng nobya. Nagbanda, nagsulat, tambay sa computer shop kung saan libre ako. Doon nagpaikot-ikot ang buhay ko. Hanggang sa magka-nobya ulit ako noong 2007. Anim na buwan kami, at naghiwalay din. Pag-aaral naman nya ang naging dahilan kaya naghiwalay kami. Sa pagkakataong iyon ay hindi padin sumagi sa isip ko si Paula.

Ilang taon ang lumipas pagkatapos naming maghiwalay ng huli kong girlfriend. Hindi na ako napasok ulit sa isang relasyon. Nagtrabaho ako. Na-endo. Naging tambay. Nagtrabaho ulit. Na-endo ulit. At naging tambay ulit. Hindi ko na naisip si Paula.

Hanggang isang gabi. Nag-iisip ako ng isusulat nang may isang babae ang pumasok sa utak ko. Huli kong nakausap ang babaeng ito noong 2005 pa. Sige aminin ko na, naging kami. Pero hindi ko sya nakita kahit kailan. Cellphone ang naging tulay namin sa isa't isa. Textmates, textfriends, txtlovers. Yan kami. Sya si Paula.

Sa ngayon ay hinahanap ko si Paula. Alam ko, na kagaya ng ibang tao sa mundo. May facebook sya. Ilang taon na din ang dumaan, pero kahit paano ay may naaalala pa ako tungkol sa kanya. At ang mga bagay na ito ang itatanong ko, na masasagutan lang ng totoong Paula. Sayang at hindi ko talaga nalaman ang apelyido nya. Pero sa mga tanong naman siguro na ito. Makikilala ko sya.

Kung sa palagay mo e ikaw si Paula. Gusto kong malaman mo na gusto kitang makilala, at kung posible - makita. Ito ang mga tanong na alam kong masasagutan mo, dahil ikaw si Paula:

1.Ano ang pangalan ng iskwelahan na pinapasukan mo noong tayo ay magkatextmate, textfriend, at textlover pa?

2.Ano ang network ng mga simcard natin ng mga panahon na iyon? (Smart, TNT, Globe, TM)

3.May tita or kamag-anak ka dito sa Tarlac. Anong barangay ang address ng kamag-anak mo dito sa Tarlac?

4.Ano ang tawagan natin nung naging 'tayo'?

5.Noong naging tayo nung 2005. May nangyari sa'yo, na naging dahilan para ma-ospital ka. Ano ang nangyari sa'yo noon?

Limang tanong lang yan na alam kong matatandaan mo dahil katanda-tanda naman kahit paano. Hindi ko naman sinasabing i-perfect mo ang mga tanong. Kahit tatlo lang ang masagot mo, ok na. Hindi ko alam kung bakit kita hinahanap. Pero gusto kong malaman mo, kung mababalik ko lang ang oras, ibabalik ko iyon sa oras na nakilala kita.

==========

Sa mga babasa. Nakakahiya man, pero mukhang kailangan ko ang tulong nyo sa pagkakataong ito. Sa ganitong paraan ay mapapadali ko makilala si Paula. Pwede nyo po i-share sa facebook ang kwentong ito, na kung maaari din po ay i-share ng mga pagse-share-an nyo. May 'share button' po tayo sa baba. Kung may magtatanong kung kathang-isip lang o totoo ang kwento ko. Si Paula lang po ang makakasagot nyan. Kung makikilala ko po sya, siguro totoo ang kwento ko. Kung hindi naman, epekto lang siguro ng sigarilyo ang nabasa nyo.





nagustuhan mo? i-share mo na!



10 comments:

  1. sana nga pabasa nya ito kahit na maliit ang chance.. gudluck parekoy..

    ReplyDelete
  2. hmm...
    mukhang mahirap nga yan..
    but I'll give you a little help kuya
    Popost ko sya sa FB ko,,
    sana magkita ulit kayo ni Paula :)

    Gudluck..

    ReplyDelete
  3. Mahirap nga e. Naalala ko lang sya bigla. Well, sana magkakilala kami. Kahit hindi maging kami ulit. Gusto ko lang patunayan na hindi epekto ng sigarilyo yung pagpasok nya sa isip ko, hehe.

    @Kristia: Salamat. Sige, post mo. :)

    ReplyDelete
  4. astig ah..hinahanap mo talaga sya..cge post qoh rin:)

    ReplyDelete
  5. chinnieca abergasMay 26, 2011 at 3:33 PM

    ..ang ganda ng kwento mo..sana makita mo na c paula..

    ReplyDelete
  6. sige po i twe2tweet ko at i popost ko sa fb ko po:) pero iupdate niyo po ako kung nakita niyo na po ako hah?

    ReplyDelete
  7. pag nakit niyo na po pala siya? hehehe lol

    ReplyDelete
  8. ahm,, ang cute ng kwento mo kua,..gud luck..

    ReplyDelete
  9. okay, dahil malakas ka sakin, i'll share it on Fb.. :) hu kn0ws, db?

    ReplyDelete