Feb 22, 2011

Itanong mo sa taga-pluto: Episode 3



ANO ANG NICKNAME/S O TAWAG SA'YO? AT BAKIT IYON ANG TAWAG SA'YO?

Leo Carlo. Yan ang pangalan ko. Sinadya ko nang hindi sabihin ang apelyido ko, baka may mag-abang sa'kin e. Maikli lang naman ang pangalan ko, Leo at Carlo, kaso nakakapagtaka na ang dami na palang nabuo na kung ano-anong elemento sa pangalan ko - na sya namang pinalayaw nila sa'kin.

Maitim ako noong ipanganak ako, at kung hindi ako nagkakamali (at ayon na din sa mga magulang ko), 'Boy Negro' ang tawag sa'kin nang mga pinsan ko kapag nilalaro nila ako. Mukhang ok lang naman sa magulang ko kasi sa kanila nadin nanggaling e. Buti nalang wala pa akong kamuwang-muwang noon habang pinagkakatuwaan ako ng mga pinsan ko. Para kasing mahirap na tanggapin kung tatawagin padin akong 'boy negro' ngayon. Hindi naman ako baluga e, black american ako.

Noong medyo lumaki na'ko, mga isa o dalawang taon ako. Hindi na napapansin ng mga pinsan ko yung kulay ko. Yung buhok ko na ang pinagtri-tripan nila. 'Kulooot' na yung tawag nila sa'kin, kulot na kulot kasi yung tubo ng buhok ko noon. Hindi pa ako nagugupitan noon kaya hinayaan na muna nina Erpat at Ermat na maging ganoon ang buhok ko. Ang cute cute ko nga noon e, sabi nadin ng mga pinsan at tita ko. Kaso ngayon, mukhang ako nalang at ang kaluluwa ko ang naniniwalang cute ako.

Noong naglalakad na ako at nakikipaglaro na sa mga kapwa bata, tinatawag akong 'Carlo' ng mga kalaro ko. Maging sa eskinitang tinirhan namin, 'Carlo' ang tawag sa'kin. Minsan din akong tinawag na 'Caloy' ng isa sa mga tito ko, automatic daw kasi yung 'Caloy' na palayaw sa 'Carlo'. 'Leo' naman ang naging tawag sa'kin sa school. Simula nursery hanggang magtapos ako ng highschool, 'Leo' ang pangalan ko. Nakalimutan na nga nila na may 'Carlo' na kasunod yung 'Leo' ko e.

Nag-iba iba naman ang pangalan ko sa iskwela noong nag-college ako. Nagawang paghiwalayin ng mga kaklase ko ang 'Leo' na pangalan ko. 'Lei' lang ang tawag sa'kin noong una, e 'yow!' ang sagot ko kapag tinatawag nila ako. Kaya pati ang 'Yow' naging palayaw ko. Minsan naman ay binaliktad ng mga tambay sa'min ang pangalan ko. Uso kasi dito noon yung binabaliktad ang mga salita (taga-pluto din siguro sila). Nagiging 'gibut' ang tubig, 'natulups' ang pulutan, at yun nga, naging 'Olrac' ang 'Carlo' ko. Ok lang naman sa'kin kasi parang lalong lumitaw na hindi ako taga-earth.

Madalas na semi-kalbo ang gupit ko, na kapag nakikita ng mga magulang ko e 'Joko' ang tawag sa'kin, hindi na'ko tumu-tutol, tao naman yung nagiging kamukha ko e. Tapos minsan na nag-basketball ako, may tumawag sa'kin na 'Kobe'. Ewan ko kung kamukha ko din sya o kamukha ko yung laro, pwedeng pareho. Kaso hindi ko sya idol e.

Nang matuto na akong mag-internet, lalo na ang pagpo-forum. 'Breine' ang username ko. Salitang hebrew ang Breine kung hindi ako nagkakamali, na kung hindi ulit ako nagkakamali ay blessed o pinagpala ang ibig sabihin. Ewan ko kung bakit ko nagustuhan ang salitang yon. Pero pinanindigan ko na ang 'Breine' matapos ko tingnan ang nakaipit sa pagitan ng mga hita ko. Naisip ko, pinagpala nga ako.

Naisipan ko mag-blog noon dahil hindi na ako kuntento na pinipirmi nalang sa utak ko yung mga gusto ko ikwento na kinabukasan e nawawala na. Ilang bloghop ang pinaggagawa ko noon, at napansin ko na lahat ng naiikutan kong blog e may mga pen name ang may-ari ng blog. Matapos ang pagbabasa ng unang libro ni Bob Ong, nabuhay si 'Kokomban Boy'.

Tinamaan ako ng katamaran ng wala na akong maisip na isulat. Unti-unti ng namatay si 'Kokomban Boy'. Naisip kong hindi epektibo sa'kin ang direktang pagsusulat sa computer, dahil hindi ako nakukuntento sa kinalalabasan. Kaya hindi nagtagal ay pinahinga ko ang blog ni 'Kokomban Boy'.

Makalipas ang kulang kulang isang taon. Natutunan ko sa pagbabasa ng ilang libro ang ibig sabihin ng manuscript. Naisip ko na bilang isang blogger, mukhang kailangan e may manuscript na muna ako bago ko talaga i-post ang bawat isusulat ko. Kasabay ng pakikipag-usap sa sarili, at paninigarilyo, naisipan kong bumalik sa pagba-blog. Pero napagkasunduan namin ng sarili ko na hindi ko kailangang pilitin ang sarili ko sa pagsusulat. Hindi kagaya ng dati na pinipilit ko magsulat para lang may masabing may na-blog ako. Dinagdagan ko ang kundisyon sa sarili ko sa pagsusulat. Lahat ng isusulat ko ay hindi muna di-diretso sa blog. Kailangan ay dadaan muna sya sa kumpare ko na tawagin natin sa pangalang 'manuscript' bago sya pumunta sa blog. Kay 'manuscript' muna isusulat ang gusto ko ikwento, titingnan kung may babaguhin, babasahin kung pangit, bago i-post. Pagkatapos ng pakikipasundo ko sa sarili, ay unti-unti ko nang hinubaran ng lumang damit si 'Kokomban Boy'. Binihisan ng bagong damit kasabay ng pag-susulat kay 'manuscript'. Dahil sa epekto ng sigarilyo, pananaw sa buhay, pananaw sa mundo, at dahil sa bansag sa'kin ng ilang tropa na duda sa katauhan ko. Sinilang si 'taga-pluto' kasabay ng kanyang 'mga kwentong upos'.




nagustuhan mo? i-share mo na!



No comments:

Post a Comment