Feb 23, 2011

Tagpi-tagping daldal

May pinapanood akong palabas sa tv kanina. Palabas sa cable ng probinsya namin yun. Episode nila yung pag-celebrate ng nagdaang Valentine’s Day sa isang lugar na madalas pagtambayan ng mga tao dito sa probinsya namin. Ayos naman yung palabas, interview sa mga tao andoon kung ano ang ibig sabihin ng Valentine’s Day sa kanila. Sagot ng iba, yun daw ang araw na dapat kasama mo ang mahal mo na kung hindi ka-relasyon e magulang, pwede din kaibigan. Yung iba, araw daw yun para mag-relax, mag-muni muni kasama ng minamahal. At syempre, yung iba – araw daw ng mga puso.

Naisip ko nalang na bakit ang puso, may araw na pinagdidiwang ito. Bakit ang atay, baga, balun-balunan, leeg, braso, kili-kili, at utak., wala? Sa mga nabanggit, utak ang gusto kong ipaglaban ng karapatan na dapat pati sya ay may birthday. Isipin mo na lang, hindi naman natin ipagdidiwang ang araw ng mga puso kung hindi sasabihin ng utak natin na ipagdiwang natin ito. Isipin mo na lang, kung sino man ang nagpasimuno na dapat ipagdiwang ang araw ng mga puso. Hindi nya sasabihin yun kung hindi nya inisip na dapat ipagdiwang ito. Isipin mo na lang, bagamat nagkakasundo ang utak at puso sa ibang bagay e madalas padin silang mag-away sa maraming bagay. Lugi pag nagkataon si utak. Kasi si puso, may mapagmamalaking birthday. Sya wala. Isipin mo na lang, hindi ko masasabi ang ‘isipin mo na lang’ kung hindi ko ito inisip. Pangit naman kung sasabihin kong ‘pusuin mo na lang’ diba?

-+-+-

May ginagawa akong kwento ngayon. Kwentong barbero lang sya. Nagdadalawang isip ako kung ilalagay ko dito sa blog ko, sa notes sa facebook, o itatago ko nalang ang gawa ko. Mahaba kasi. Pwede na ngang ilibro e. Kaso alam ko namang walang papatol sa kwento ko, kaya tago lang ang gawa ko. Pero ayaw ko namang magpa-alipin sa takot na walang papatol sa kwento ko kaya tuloy padin ang kwento ko. Ayos lang kung walang papatol, hindi naman sa lahat ng pagkakataon e nagsusulat ako para may bumasa. Madalas nagsusulat ako kasi gusto ko magsulat. Gusto kong itae ang mga salitang kinain ng utak ko. Ikaw, isipin mo kapag kumain ka nang madami at natatae ka. Pero hindi ka marunong maghugas. Pipigilan mo ba ang tae mo? Hirap diba? Kaya sulat lang ng sulat kahit walang magbabasa. Kwento lang ng kwento kahit walang kwenta. Kwenta lang ng kwenta kahit walang pera.

-+-+-

May mga libro na akong masasabi kong akin, dalawa sila. Nitong linggo ko lang binili. Katas ng backpay ko sa pinanggalingang trabaho. Sa wakas may natupad sa wishlist ko. Pero kulang pa yan. Madagdagan pa sila. Sigurado. Pero dapat muna akong humanap ng bagong trabaho para may pambili. Ayaw ko magnakaw ng libro. Baka kamasutra pa manenok ko.

-+-+-

Kagabi naman, may dalang mga babasahin yung kapatid ko. Galing daw sa seminar na in-organize nila. Pito yun. Yung dalawa, magkapareho kaya lima bale. Ina-arbor ko sa kanya. Sabi nya, “Aanhin mo yan? Kakainin mo?” Sagot ko oo. Nakikipag-biruan sya sa tanong nya. Seryoso ako sa sagot ko. Masarap kainin ang mga salita. Lalo na pag bagong luto.

-+-+-

Tinatamad na ako sa “Itanong mo sa taga-pluto” episodes ko. Ewan ko kung sa mga tanong o dun sa isasagot ko. Gusto nang ihinto na ayaw ko. Gusto ko ihinto kasi blog ko naman to, pwede kong gawin ang gusto ko. Ayaw ko ihinto kasi blog ko naman to, may mambabasa na kahit paano na nag-aabang na sa isusulat ko. May bayag ako para hamunin ang sarili ko sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong ng iba. Kaya dapat may bayag din ako para harapin ang hamon. May mga suki na din akong naghihintay ng putahe ko. Ayaw kong magtinda ng paksiw kung alam kong naghihintay sila ng adobo.




nagustuhan mo? i-share mo na!



1 comment: