Feb 23, 2011

Otso-otso

Linggo. Araw naming magto-tropa. ‘Matik na ang araw na yun para sa amin. Dahil sa pare-parehong walang pasok (dahil pare-parehong tambay), basketball day ang linggo para sa’min. Kusa kaming magtitipon-tipon sa harap ng computer shop na tambayan namin kapag hindi kami nagbabasketball. Kaunting kwentuhan. Magpapakiramdaman ang bawat isa kung handa na kaming isugal ang hindi pagkain ng almusal at tanghalian para sa sport na naging dahilan kung bakit kami nabuo. Kapag sa tingin o tantya ng bawat isa ay handa na ang bawat isa, sabay sabay kaming tatayo at sabay sabay ding magsasabi ng “Tara!”


Hindi ko alam kung sino sino ang unang magkakasama at magkakalaro sa amin (o sa kanila) noon. Pero alam kong hindi ko pa sila barkada nung bandang 1st year high school ako. Madalas ko makita ang ilan sa kanila na naglalaro ng kung ano-ano dati (hindi pa basketball). Natatandaan ko pa minsan, naglalaro sila noon ng card game sa kalsada. Nilapitan ko sila para sana makinuod at maki-isyoso sa laro nila. Kaso paglapit ko ay siya namang tayuan nila isa-isa, tatago na daw nila. Naiwan akong pinapanuod ang sementadong daan na kanina ay kinaroroonan ng mga mababait na bata. Nang matauhan ako e agad din akong umalis, na siya namang pagbalik nila para maglaro ulit.


Isang araw na galing ako sa shop na dati kong tambayan, nakita ko silang naglalaro ng basketball, with matching drills pa. Nakinuod ako na sa awa naman ni Lord ay hindi sila umalis. Nuod lang ako. Nang hindi na makatiis, ako itong si mayabang at feeling close na nakisali at nakilaro sa kanila. Kilala din naman nila ako kahit paano, kakilala pero hindi kaibigan. At sa pakikipag-laro kong ‘yon nag-umpisa ang lahat. Pagkatapos maglaro e magkakasama na kaming lumalaklak ng ice tubig.. na ginagawa pa din namin hanggang ngayon.


Madaming tao sa court pagdating namin. Hindi lang kami ang may karapatang magsama-sama tuwing linggo. May ilan ding magto-tropa ang nagre-reunion tuwing linggo at magkakasamang dadayo sa lugar namin. Para lumaban sa mga ‘powerhouse players’ ng barangay namin na sa court na ata natutulog.


Powerhouse players o mga basketbolistang tambay. Sila yung mga ka-barangay ko na hindi naman magkakatropa pero sa tuwing may dayo ay nagsasanib pwersa sila para lang matalo ang mga dayo. May sariling lakas o strengths ang mga ‘player’ sa barangay namin, at sa tingin ko ay walang weaknesses dahil tinatakpan nila ng kanilang super skill – ang panggugulang.


Noong nire-renovate pa ang court sa barangay namin, madalas din kaming dumayo sa kalapit na barangay para lang maglaro. Para kaming mga kampon ni Jordan na nagtitipon-tipon tuwing linggo at sabay sabay na mag-aalay-lakad papunta sa kabilang barangay sa loob ng humigit kumulang bente minutos, pagkatapos maglaro e sabay sabay uli maglalakad pauwi.


Hindi kaso sa’min kung may makalaban kaming taga-doon sa barangay na dinayo namin o wala. Kung meron, larga. Kaso tablado ang ilan sa amin, hindi makakapaglaro. Magiging taga-hawak siya o sila ng wallet at cellphone ng mga maglalaro sa hanay namin, taga-bantay ng mga tsinelas ng mga maglalaro na gusto ang nakayapak, at taga-bili ng ice-tubig. Kung wala naman kaming makalaban, kami kami mismo ang magro-royal rumble sa court. Tatluhan ang laban namin sa gano’ng pagkakataon. Miss-missan, ang unang tatlong tao na maka-shoot, magkaka-kampi, ang susunod na tatlong makaka-shoot, magkaka-kampi. Ang matitira, maghihintay na may magsabing “Ayawan na!” at uuwing buong-buo ang pagkatao, samantalang ang mga kasama nya’y nanlilimahid sa pawis.


Pustahan ang laban kapag limahan ang laro. Kadalasan malaki ang pot money kapag may dayo. Sa gano’ng pagkakataon ay may maipantatawid gutom na naman ang mga basketbolistang tambay sa amin na ginawa nang hanapbuhay ang basketbol para may makain sila.


Hindi basta-basta ang mga basketbolistang tambay sa amin, hindi sila maglalaro kung hindi pustahan ang laro. Hindi nila trip ang larong ice tubig lang ang magiging premyo ng mananalo. At pag naglaro naman sila lalo na kung may dayo, aba! Pusta mo na pati bahay mo! Pihado mananalo sila. May work ethic kasi ang mga ‘players’ sa amin. Magaling na magbasketball, magaling pa manggulang. San ka pa?! Secure na secure ang pusta mo. Walang magagawa ang mga kawawang dayo sa panggugulang ng mga ‘players’ namin. Kung papalag sila’t magrereklamo, kuyog sila kung saka-sakali. Talo na sa laro at pusta, matatalo pa sa pampagamot sa sarili.


Tapos na ang laro ng ‘players’ ng barangay namin laban sa mga dayo. Syempre panalo ang home team. Parang namigay lang ng pera ang mga dayo dahil hindi pwedeng hindi pwede kapag nag-call ng violation ang mga ‘players’ namin. Kapag sinabing foul, foul. Kapag outside, outside. Kapag traveling, traveling. Kapag ang dayo ang nagpa-foul, katakot-takot na debate ang mangyayari na mauuwi sa miss na gagawin ng pinaka-shooter sa hanay ng mga ‘players’ namin. Kapag na-shoot ang miss, syempre sa home team ang bola. Kapag hindi, magiging honest naman sila’t ibibigay sa mga dayo ang possession. At kapag nangyari yun, asahan ang mala-lintang depensa ng mga ‘players’ namin. Depensa na talaga namang makukulitan at mapipikon ang mga dayo dahil puro hawak, hila, harang at tuhod ang gagawin ng mga ‘players’ namin sa kanila. At hindi pwedeng umangal o humingi ng foul ang mga dayo. Dahil kung nangyari yun. Asahan nilang hinding-hindi ibibigay ng home team ang possession sa kanila. Kung sa unang foul e pinagbigyan sila (dahil sa mintis na miss), sa pangalawang foul e talagang no mercy na. Kung ipaglalaban naman ng mga dayo ang prinsipyo nila’t ipipilit ang foul na hinihingi nila ng katarungan, “Suntukan na lang o?!” ang magiging sagot ng mga ‘players’ namin na magsisimulang mag-evolve sa pagiging ufc fighter. Kung hindi basagulero ang mga dayo, wala silang no choice. Ibibigay nila ang possession, at itutuloy ang larong inaasahan pa nilang mapapanalunan nila.


Pagkatapos ng laro ng mga dayo at mga basketbolistang tambay sa’min. Kami agad ang pinalaro, pero magiging kalaban namin ang mga magugulang na basketbolistang tambay na nanalo lang kanina sa mga kawawang dayo. Binigyan na nga kami ng preview kung paano sila mag-ala-Hitler sa pagdikta ng laro kanina, lalabanan pa ba namin sila?


Iba ang tingin ng mga ka-barangay naming mahilig magbasketball sa tropa namin. Maliliit lang kasi kami, kaya madalas minamaliit kami. Madalas kami matalo sa pustahan kaya pag nasa court kami, halos lahat ay nagkakandarapang makalaban kami. Easy money sabi nga nila. Madalas na kaming matalo pero wala kaming kadala-dala at patuloy pa rin ang pakikipaglaro sa kanila. Iba daw kami. Ang hindi nila alam e hindi naman pera ang kadalasang habol namin, ayos na sa’min yun magkakasama kaming naglalaro at magkakasamang uuwi na nagtatawanan dahil talo kami. Tinatawanan nila kami dahil iba kami, sa parehong paraan na tinatawanan namin sila dahil pare-pareho sila. Minsan iniisip ko na lang na nagpapatalo lang kami para lang may makain ang mga trabahador ng court.


No choice kami kundi ang labanan ang mga maskuladong tamad na ‘to. Mga katawang pangdigma pero naka-tengga lang sa bahay at court. Hindi man lang maghanap ng trabaho bukod sa panggugulang sa court. Ako ang nag-miss kung kanino mapupunta ang unang possession. Tingin sa rim, talbog ng bola, hinga ng malalim sabay buga, tira. Pasok, nothing but net pa. Amin ang possession.


Kung ikukumpara sa mga tropa ko at hindi na din sa pagyayabang, ako na ata ang pinakamataas ang accuracy pagdating sa free throw. Hindi ko alam kung paano o bakit, pero nagiging batya ang tingin ko sa rim tuwing titira ako ng free throw. Three pointer talaga ang role ko sa ‘team’ namin. Hindi ko alam kung paano ako nasanay o kung kanino ako natuto. Pero kapag laro, hayaan mo na’ko mag-lay up pero wag mo lang ako pabayaan sa three point area. Yung tipong kapag tumira ako ng walang bantay e pwede mo ng ipusta ang nanay at tatay mo. Sa parehong paraan naman na hindi ako marunong mag-lay up. Kung ano ang pinakamadaling tira e yun pa ang hindi ko alam gawin, pero ang three point na malayo e madali lang sa’kin. Baliktad ako e, madali kasi matuto kapag mahirap ang inuna.


Ako ang naglabas ng bola. Hold muna kay kalaban, tapos pasa kay point guard namin. Punta agad ako sa peyburit pwesto ko, gilid. Nakita ni point guard na libre ako, pinasa. Kaso sabi nya bigay ko daw sa sentro namin dahil medyo payat ang bantay nya. Pero bago pa matapos ni point guard namin ang pagsasalaysay ng trip nyang play e tinira ko na ang bola. Tumbong. Napakamot ng ulo si point guard. Sa isip ko, pampainit pa lang yun. Tinantya ko pa yung pulso ko. Kumbaga sa pusoy dos e pinintahan ko muna ang baraha ko bago ako maglapag. Nilagay ko sa isip ko na papasok na ang mga susunod kong tira. Sa mga sumunod naming possession hanggang matapos ang laro, hindi ko na nahawakan ang bola. Tapos ang laro. Talo kami.


Tawanan kahit talunan. Gano’n kami habang umuuwi. Juice ang trip naming tunggain pagkatapos maglaro para hindi mahalatang talo kami, at juice pa rin ang trip naming inumin pag panalo kami para mahalatang panalo kami. Kaunting sisihan sa kung sino ang mali at kaunting papuri sa kung sino ang naging stand out sa’min sa laro at pang-aasar. Kwentuhan din tungkol sa dinanas na siko, tulak, hila at gulang galing sa mga sindikato ng court. Maya maya ay magyoyosi na ang mga nagyoyosi sa’min at iinom ulit ng juice ang mga hindi nagyoyosi. Ilang saglit lang ay kanya kanya na ng uwi, at matatapos ang duty namin bilang mga basketball player.





nagustuhan mo? i-share mo na!



No comments:

Post a Comment