Feb 21, 2011

Kwento sa tanghalian

"Tawagin mo na sina Mama mo sa kwarto. Kain na tayo."

Utos ni Erpat. Ayaw ko pa sana kumain kasi nagbabasa pa ako ng libro na kabibili ko lang kahapon, kaso wala akong no choice. Pag kumain sina Erpat at Ermat, kakain na din kami. Gutom man kami o hindi, kailangan kumain din kami. Hila ng de-tupi na lamesa namin sa likod ng sofa. Nilatag. Parang ayaw ko pa talaga kumain, gusto ko pa magbasa. Tsk. Eto ang mahirap kapag pinairal ni Erpat ang martial law sa bahay. Kailangan sumunod lahat. Pag inutos nya, gagawin mo. Sya ang batas, sya ang masusunod. Pero sya ang nagluto, habang nagpapahinga si Ermat sa kwarto. Nakakapagtakang hindi nya mautusang magluto si Ermat. May martial law din atang kinakatakutan si Erpat.

Nakahapag na ang tanghalian. Laing at pritong tilapia (na ginagawa kong chicharon ang buntot dahil malutong) ang ulam. Mukhang masarap naman. Kaso ayaw ko pa kumain. Gusto ko pa magbasa. Bahala na.

Sa dulo ako pumwesto. Nilagay ko sa gilid ko yung libro na binabasa ko, ayaw ko maputol yung sandali na nilalamon na ako ng mga salita sa libro. Magkasama na kaming bumibyahe ng sumulat ng libro. Ayaw kong pumara muna para lang sa tilapia na idedeposito ko din di katagalan. Basa kada subo. Limang page kada sa isang subo ang ginagawa ko. Habang nginunguya ng bunganga ko yung tilapia e nginunguya naman ng utak ko bawat letra na galing sa libro. Sarap ng pakiramdam, hindi ako nahuhuli sa takbo ng kwento ng libro sa parehong paraan na hindi ako nahuhuli sa biglaang paglamon ng tanghalian. Kaso, huling huli ako ni Erpat.

"Mamaya na yan. Tapusin mo na muna yung kinakain mo."

Limang mababagal na subo ang ginawa ko bago binalikan ang libro. Binagalan ko ang subo para tumagal ang oras, para mawala sa isip ni Erpat ang ginagawa ko. Nang mapansin kong medyo ok na ang sitwasyon, binalikan ko si libro. Basa ulit. Limang page ulit kada isang subo. Naka-tatlong subo ako nang biglang..

"Aalis ba yang binabasa mo?! Wala namang katuturan yang pinagkakaabalahan mo. Mabuti sana kung bibigyan ka ng trabaho nyan. Kumain ka na nga muna!"

Delikado na ang boses ni Erpat. Sinasaniban na sya ni Hitler. Kung ano-ano pa pinagsasabi. Wala daw kwenta binabasa ko, hindi nila alam na bukod sa mamang nakatambay na naninigarilyo sa puno ng acacia sa harap ng bahay namin e ang mga libro na ang kakwentuhan ko. Gusto ko sanang pagtanggol si libro kaso para akong natinik at hindi makapagsalita. Tinapos ko nalang yung pagkain ko. Wala namang kibo si Ermat. Abala sa pagtiltil ng kinurot-kurot na tilapia sa bagoong na may sili. Si bunso naman na hindi nakakakain kapag hindi nanunuod ng dora e abala sa pagsubo habang sinasabayan ang mga kung anong orasyon ng batang baluga na pinapanuod nya. Binilisan ko yung subo. Wala nang nguya nguya, lunok lahat. Ilang subo, tapos na'ko. Nagmadali ako magligpit ng pinagkainan ko. Inom ng tubig. Diretso na'ko sa kwarto. Doon ko tinuloy ang pagbabasa. Nangantyaw pa si Erpat nang makitang nagmamadali akong pumasok sa kwarto dala ang libro.

"Nagmamadali ah."

Higa sa kama. Tuloy ang pagbabasa. Hindi naman siguro ako makakatulog nito. Pero alam ko, pag busog ako e inaantok ako. Baluga nga ang tawag sa'kin ni Ermat, ganoon daw kasi mga baluga. Kung makatulog naman ako, hindi naman siguro ako babangungutin kahit kakatapos ko lang kumain. Tanghali naman e. Wala naman atang binabangungot ng tanghali.

Page 56. Mga dalawampung minuto nadin ang lumipas. Biglang tawag si Erpat, nagpapabili ng yelo. Hindi sanay si Erpat na walang yelo ang tubig sa pitsel. Dapat laging malamig ang tubig sa bahay. Iniwan ko na muna sandali ang libro para bumili. Sana hindi pagtripan ni Erpat. Baka itago. Nilagyan ko ng book marker yung page ng libro kung saan na yung binabasa ko. Iniwan ko sa ibabaw ng kama. Takbo para bumili ng yelo.

Wala sa unang tindahan. Wala na naman sa pangalawa. Takbo sa katropa ko na nagtitinda ng yelo. Wala din. Namputcha! Napapalayo na'ko. Nawawala na sa utak ko yung imahe ng binasa ko at napapalitan na ng matigas na tubig na binalot sa plastic. Punta ako sa pang-apat na kanto mula sa kanto namin, isandaang hakbang din yun. Sa wakas nakabili. Lakad-takbo pauwi.

Hingal ako pag-uwi. Nilagay ko na muna sa pitsel yung yelo. Nakaupo sa sofa si Erpat. Pinagmamasdan ako. Maya-maya nagsalita.

"Namatay siguro si Galo ano?"

Ang binabasa kong libro? "Ang mga Kaibigan ni Mama Susan" ni Bob Ong.




nagustuhan mo? i-share mo na!



No comments:

Post a Comment