Feb 18, 2011

Manika ni Lorna

(di nahabol nung balentayms)

“Mahal kita Gilbert. Akin ka lang. Ipangako mo yan.” ibig manigurado ni Lorna sa nobyong si Gilbert.

“Oo Lorna. Iyong iyo lang ako. Pangako.” tugon ni Gilbert sa nobya.

Masakit man sabihin, walang magagawa si Gilbert kundi ang magpanggap na mahal nya si Lorna. Alam nya ang mangyayari sa kanya oras na iwanan nya si Lorna. Mangyayari sa kanya ang nangyari kay Rochelle.

-+-+-

“Rocheeelleee!” sigaw ng ina ni Rochelle habang pinagmamasdan nya ang nangyayari sa anak.

“Inaaay! Tulungan mo akoooo!” iyak ni Rochelle habang unti unting nalalagas ang kanyang buhok. Kasabay ng pagdurugo ng kanyang ari na animo’y may tumutusok na matulis na bagay. Nalalapnos na unti unti ang kanyang balat. At ilang segundo lang ay halos hindi na sya makilala sa matinding hirap na dinanas nya. Walang ideya ang ina nya kung ano ang nangyari sa anak.

Sa kabilang bayan naman, bakas sa mukha ni Lorna ang kasiyahan habang nililigpit ang mga ginamit sa ‘pagliligpit’. Alam ni Gilbert na wala syang magagawa sa nangyari kay Rochelle. Isip nya, kasalanan din ni Rochelle ang sinapit nya.

-+-+-

“Hi Gilbert!” malanding bati ni Rochelle kay Gilbert na kasama si Lorna nang mga oras na iyon.

“Sino sya?” tanong ni Lorna. Sasagot na sana si Gilbert nang biglang sumingit si Rochelle.

“Ako lang naman sana ang magiging girlfriend ni Gilbert kung hindi mo lang sya inagaw!”

Mabilis ang pangyayari. Pagkatapos ng sinabi ni Rochelle ay sya namang kalmot, sampal at sabunot nya kay Lorna. Sabunot ang tanging nagawa ni Lorna. Mabilis na naawat ni Gilbert ang dalawa. Hindi nakaporma si Lorna.

“Darating din ang araw na iiwanan ka ni Gilbert! Looosser!” pahabol ni Rochelle bago umalis.

“Darating muna ang araw na iiwanan mo ang mundo..” makahulugang bulong ni Lorna sa sarili habang nakangiti at sakmal ang ilang hibla ng buhok na nakuha nya kay Rochelle.

Ilang araw matapos ang insidente, isang balita ang pumutok sa bayan ng Santa Ines. Isang babae daw ang bigla nalang nalagasan ng buhok at nabalatan ng buhay. Saksi sa pangyayari ang ina ng biktima. Ilan sa mga pulis na nag-imbestiga ay naghinala pa na ang ina ng biktima ang may gawa ng pangyayari. Bali-balitang bukod sa pagiging sugarol ay adik ang ina ni Rochelle. At dahil walang makitang ebidensya na ibang tao ang gumawa ng krimen, ang ina pa ni Rochelle ang nadiin. Walang alam ang mga tao sa bayan ng Santa Ines kung ano ang nangyari, bukod kay Minda. Kaibigan ni Lorna.

“Bumira na naman si Lorna.” pailing-iling na bulong ni Minda sa sarili.

-+-+-

“May lakad ka ata?” usisa ni Gilbert sa nobya nang makitang nag-aayos ito.

“Dadalawin ko si Minda. Tinawagan nya ako kanina. Namimiss na daw nya ako.”

Natahimik si Gilbert. Hindi nya alam kung ano ang mangyayari pagkatapos ng araw na ito.

-+-+-

“Hindi ko na kaya ang ginagawa ni Lorna! Gusto ko nang kumalas sa kanya! Pero alam ko, mamamatay lang ako. Paano tayo?!” nalilitong tanong ni Gilbert sa kausap ilang oras bago nya puntahan si Lorna.

“Huli na ang pagkamatay ni Rochelle. Titingnan ko kung ano ang magagawa ko. Hindi na tama ang ginagawa ni Lorna. Mamamatay din ako kung sasabihin ko ang tungkol sa atin. Pero kailangan ko ipaglaban ang relasyon natin. Mahal kita Gilbert. Mahal na mahal.” sagot ng babae sa kabilang linya.

-+-+-

“Minda!”

“Lorna! Kamusta?!” masayang salubong ni Minda sa kaibigan, sabay yakap at beso beso.

“Ok lang ako. Hindi ko na sinama si Gilbert. Baka mainip lang.” paliwanag ni Lorna nang makaupo sila.

“Alam ko na ikaw ang may gawa nang nangyari kay Rochelle.” seryoso si Minda habang nakatingin sa kaibigan.

“Nilalandi nya si Gilbert. Alam mo naman kung paano ko ipaglaban ang pagmamahal ko kay Gilbert, hanggang kamatayan.”

“Nanay nya ang napagbintangang gumawa noon sa kanya. Walang makitang ebidensya ang mga pulis.” paliwanag ni Minda.

“Syempre malinis ako magligpit! Buti nga sa kanila.” pilyang sagot ni Lorna sabay suklay ng buhok. Sa hindi maipaliwanag na tigas ng buhok nya’y may sumabit na ilang hibla ng buhok nya sa suklay na dinampot sa lamesita ni Minda. “Sa gandang kong ito, mapagkakamalan ba nila ako ang may gawa ng ganoon kay Rochelle?”

“Hindi ka ata nagsha-shampoo! Hahaha! Tingnan mo oh. Sumabit yung ibang hibla.” pang-aasar ni Minda.

“Gaga! Nagbuhol-buhol lang ang buhok ko. Alam mo namang iba ang ginagamit ko sa buhok ko.” katwiran ni Lorna. Sabay tawanan silang dalawa.

Nagpunta na sila sa kusina. Nagpaalam lang si Minda na magbibihis. Ilang oras na kwentuhan at tawanan. Isingit ni Minda ang isang bagay na ipapakiusap nya kay Lorna. Bagay na hindi inaasahan ni Lorna na hihilingin ng kaibigan. Bagay na sa hindi inaasahan ay mahihiling bigla ni Minda sa kaibigan.

“Lorna, may gusto sana ako ipalakad sa’yo.” seryoso si Minda habang inaabot kay Lorna ang maliit na plastik na may laman na ilang hibla ng buhok.

“Bakit? Anong ginawa sa’yo?” alam na ni Lorna ang ibig ipagawa ni Minda.

“Hindi ko na kaya ang panggugulo nya sa taong mahal ko at mahal din ako. Gusto na naming matahimik nang lalakeng iyon. Mukhang kailangan ko na ang tulong mo.”

“Sige. Makakaasa ka. Kaibigan kita e.” tugon ni Lorna sabay yakap sa kaibigan.

Ilang minuto lang ay nagpaalam na si Lorna sa kaibigan. Pag-uwi ay inasikaso agad nya ang ‘pinalakad’ ni Minda. Itinali nya ang hibla ng buhok na binigay ni Minda sa isang manika na ang mga katulad lamang nya ang nakakagamit nito. Kaunting dasal bago sinimulan ang ritwal. Naalala nya ang bilin ng kaibigan. Gusto nyang todo hirap ang dapat danasin ng ‘pinalakad’ nya. Triple sa naranasang hirap ni Rochelle.

-+-+-

Kasabay naman ng pag-uwi ni Lorna ay isang tawag ang natanggap ni Gilbert.

“Sa wakas. Matatahimik na tayo. Wala nang gugulo sa relasyon natin.” nakangiti ang nasa kabilang linya. Alam nyang napagana nya ang utak nya sa pagkakataong ito.

-+-+-

Ilang oras lang ay isang balita ang kumalat sa bayan ng Santiago, kalapit na bayan ng Santa Ines. Isang babae ang natagpuang patay sa sariling bahay matapos ang hindi maipaliwanag na krimen. Hindi na makilala ang biktima dahil sa sunog na ang katawan nya nang matagpuan ito. Bago ang pangyayari ay narinig umano ng ilang kapitbahay na sumisigaw ang biktima sa bahay nito. Dahil sa takot na baka kung ano na ang nangyari ay pinuntahan na nila ito. Nang buksan nila ang pinto ay nakita nalang nila ang sunog na katawan ng biktima na wala nang buhay.

Ilang hakbang mula sa kinaroroonan ng katawan ng biktima ay ang natatanging ebidensya sa krimen. Ang sunog na manika na may nakataling ilang hibla ng buhok.





nagustuhan mo? i-share mo na!



1 comment: