BAKIT HINDI KA TUMATABA?
Ilan na din ang nagtanong sa’kin nito. Kadalasan ay ‘ewan ko’ o ‘hindi ko alam’ ang matipid na sagot ko dahil talagang hindi ko alam ang dahilan ng hindi ko pagtaba. Ang mga taong nakakakilala sa’kin na nakakasabay kong kumain ang madalas magtanong sa’kin nito. Natatanong nila ang nasabing tanong dahil sa isang dahilan, malakas naman daw ako kumain.
Kung kumain ay parang construction worker, pero ang katawan ay parang adik. Ganyan ang kadalasang sinasabi sa’kin ni Ermat at Erpat. Mababa na ang 3 cups ng kanin kung kumain ako. Kahit konti lang ang ulam, kahit sabaw lang, basta madaming kanin, ok na’ko. Maswerte ako kahit paano dahil hindi naman kami yung tipo ng pamilya na limitado lang ang kinakain. Maganda naman ang trabaho ni Erpat kaya nakakakain naman kami ng tatlong beses sa isang araw, minsan ay apat o lima pa nga. Kadalasan nga lang talaga ay sa banyo ang destinasyon ko pagkatapos kumain para mag-deposito.